Pa'no ba magpanotaryo ng dokumento sa Australia?

Notary Stamp

Source: Getty / Getty Images/boonchai wedmakawand

Special powers of attorney, deeds, affidavit, at iba pa. Pa'no ba magpanotaryo ng mga dokumentong gagamitin sa mga transaksyon sa Pilipinas kung ikaw ay nasa Australia?


Key Points
  • Para sa kredibilidad at pagpapatunay ng dokumentong gagamitin sa mga legal na transaksyon sa Pilipinas, kailangan itong ipa-notaryo.
  • Kailangang personal na magpunta sa Philippine Consulate Office o Embahada ng Pilipinas at pumirma sa mga dokumento ang nagpapa-notaryo.
  • Ang mga dokumento na ginawa, pinirmahan at inissue sa Australia tulad ng school records, marriage/birth/death certificates ay kailangang may Apostile certificate mula sa Australian Passport Office Legalisation services ng estado bago ito magamit sa Pilipinas.
May dalawang paraan para patunayan ang kredibilidad ng mga dokumentong mula sa Australia na gagamitin sa mga legal na transaksyon sa Pilipinas. Ito ang consular notarisation at pagkuha ng Apostille Certificate.

Notarial Services sa Philippine Embassy/Consulate

Ayon kay Nova De Lara, Cultural Officer mula sa Philippine Consulate General office sa Sydney, maaaring ipanotaryo ang mga dokumento tulad ng affidavit, special powers of attorney, deeds, o sworn statements sa Philippine Embassy o Consulate. Narito ang mga hakbang:

1.Magbook ng appointment mula sa website ng Embahada o pasuguan.

2. Kinakailangan personal na pumunta sa Embahada o Konsulado para sa pagpirma ng dokumento.

3. Dalhin ang mga sumusunod:
  • Orihinal na dokumentong ipapanotaryo
  • Kopya ng dokumento.
  • Orihinal at kopya ng valid ID na may larawan at lagda tulad ng pasaporte o lisensya sa pagmamaneho. Ang ID ay dapat tumutugma sa pangalan sa dokumento.
$45.00 ang bayad sa bawat dokumento na maaaring bayaran ng cash o card (na may 1.5% surcharge), o postal money order na nakapangalan sa “Philippine Embassy.”

Inaabot ng tatlong araw ang pagproseso. Maari din itong makuha sa loob ng isang araw pero may karagdagang bayad na $18.00

Apostille Certificate

Kung may mga pribadong dokumento na hindi maaaring ipatupad at lagdaan sa harap ng isang consular official, maari itong patunayan sa pamamagitan ng Apostille.

Ang mga dokumento na ginawa, pinirmahan at inissue sa Australia tulad ng school records, marriage/birth/death certificates ay kailangang may Apostile certificate mula sa DFAT o sa Australian Passport Office Legalisation services ng estado bago ito magamit sa Pilipinas.

Tandaan na tanging mga dokumentong pinatunayan ng Notary Public ang tinatanggap para sa Apostille; hindi tinatanggap ang mga notaryo mula sa Justice of the Peace (JP).

Makakahanap ka ng listahan ng mga notary public sa mga talaan ng Supreme Court o Law Society para sa bawat estado o teritoryo.

Kapag ang dokumento ay na-“Apostillised” na ng DFAT, maaari na itong ipadala direkta sa Pilipinas. Hindi na kailangan pang ipa-authenticate ang dokumento sa Philippine Embassy o Consulate.

Share