Key Points
- Tinatayang lima hanggang sampung ulat ng kasal kada linggo ang tinatanggap ng Konsulado ng Pilipinas sa Sydney, NSW.
- Tatlong opisina lamang ang tumatanggap ng Report of Marriage ng mga Pilipino sa Australia.
- Ibinahagi ni Vice Consul Frances Louisa Cleofas ng Philippine Consulate-Sydney na mahalaga ang Report of Marriage para sa rekord ng mga Pilipino at basehan para sa kanilang estado ng pagiging kasal na.
LISTEN TO THE PODCAST
Pa'no Ba: Report of Marriage for Filipinos in Australia
11:55
Ulat ng kasal
Sa ilalim ng Family Code of the Philippines, nakapaloob sa Section 664 na dapat na iulat at ipasa ang rekord ng kasal ng mga Pilipino sa Philippine Civil Registrar kahit na nasa labas sila'y ng Pilipinas.
“[R]ecords of marriages whether performed by the Philippine Consular Officer or by the local religious or civil authorities shall be kept and transmitted to the Philippine Civil Registrar through the Department of Foreign Affairs."
Ayon kay Vice Consul Frances Louisa Cleofas ng Philippine Consulate-Sydney, na mahalaga na maiulat ng mga Pilipino na nasa Australia ang kanilang kasal sa konsulado o sa emhada ng Pilipinas.
"Ang mga Report of Marriage na ito ang magiging basehan para sa pag-issue ng Pilipinas ng Marriage Certificate," bigay-diin ni Cleofas.
"Kapag ni-report ang marriage, sa Konsulado o Embahada, tulad rin ng pag-uulat ng kapanganakan ng isang bata, doon nalalaman na may isang tao o Pilipino na ikinasal, at sa mata ng Pilipinas legal ang kanilang kasal."
"Itong dokumento [Report of Marriage] na ito ang magiging basehan para makapag-apply at maipakita ito sa kanilang Philippine passport."
Para sa mga Pilipina o Pilipinong babae na ikinasal, para maipakita ang kanilang married surname sa kanilang Pilippine passport, unang-unang kailangan nila ang pagpresenta ng kanilang Report of Marriage sa ibang bansa.Vice Consul Frances Louisa Cleofas
Tatlong opisina lamang ang tumatanggap ng Report of Marriage ng mga Pilipino sa Australia.
Ang Philippine Consulate sa Sydney ang tumanggap ng Report of Marriage para sa mga Pilipino sa kabuuan ng NSW; Ang Philippine Consulate sa Melbourne naman ang namamahala para sa mga estado ng Victoria, South Australia at Tasmania.
Habang ang Philippine Embassy sa Canberra ang dapat na puntahan para sa inyong Report of Marriage kung kayo ay taga-Australian Capital Territory (ACT), Queensland, Western Australia, Northern Territory, Vanuatu, Nauru, at Tuvalu.
Mga kailangang dokumento
Bago pumunta sa Konsulado ng Sydney o Melbourne o sa opisina ng Embahada ng Pilipinas sa Canberra, siguraduhin na nakumpleto ang apat na orihinal na kopya at orihinal na pinirmahan na Report of Marriage Forms (na maaaring sulat-kamay o naka-type ang sagot) ng parehong partido na kinasal.
Ang lahat ng apat na Report of Marriage Forms ay dapat na notaryado ng Philippine Consul, Notary Public o kaya'y Justice of the Peace (JP).
Kailangan din ang orihinal na Marriage Certificate na may registry number na ibinigay ng Civil Registrar o Registry of Births, Deaths and Marriages ng estado o teritoryo kung saan naganap ang kasal. Dapat din na may apat na photocopy ng orihinal na marriage certificate.
Ipapasa rin ang Birth Certificate ng parehong partido na kinasal at apat na kopya ng data page (na may sertipikasyon ng JP) ng kasalukuyang pasaporte ng parehong partido o iba uri ng pagkakakilanlan kaya ng driver's license kung walang available na kopya ng valid passport.
Maaaring gawin ang Report of Marriage hanggang bago mag-isang taon ang kasal upang hindi na kailanganin ang Affidavit for the Delayed Registration of Marriage at dagdag na bayad sa proseso.
SBS Filipino interview with Vice Consul Frances Louisa Cleofas of the Philippine Consulate in Sydney on the process of the Report of Marriage. Credit: SBS Filipino
Para sa ikinasal na may nagdaang annulled na kasal sa Pilipinas, kailangan ding ipasa ang orihinal na marriage contract na ini-isyu ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may wastong annotation at apat na kopya nito na may sertipikasyon ng JP.
Para sa Pilipino na diborsyado abroad at kinilala sa Pilipinas, kailangan ang "original PSA Marriage Contract with proper annotation and/or Philippine Court recognition of a foreign divorce decree at apat na kopya na sertipikado ng JP.
Para sa mga nabalo at nagpakasal muli, kailangan ang orihinal na PSA Death Certificate ng yumaong asawa, original PSA issued marriage certificate, at apat na kopya ng parehong dokumento na sertipikado rin ng JP.
Maaaring makipag-ugnayan sa Konsulado ng Pilipinas sa Sydney o Melbourne o sa Philippine Embassy sa Canberra kung kailangan ninyo ng dagdag na impormasyon.