Pa'no ba kumuha ng travel insurance?

traveller

Para sa kapanatagan ng loob sa pagbiyahe, alamin kung paano kumuha ng travel insurance. Source: Pexels/Victor Freitas

Nagpaplano ka bang bumiyahe o magbakasyon sa ibang bansa? Para matiyak na may sasagot sa anumang aberya ng iyong biyahe, kinakailangan ang travel insurance. Pero pa’no ba kumuha nito?


Key Points
  • Ang travel insurance ay hindi required sa ngayon sa Pilipinas pero may mga bansa na naghahanap nito bilang requirements ng kanilang immigration process.
  • Para sa online na aplikasyon, kailangan lang pumili ng mapgakakatiwalaang ahensya sa tulong ng mga review, research at rekomendasyon ng iba pang biyahero.
  • Magkakaiba ang klase ng insurance kaya mahalagang alamin ang travel insurance policy at listahan ng halaga ng mga maari nilang sagutin tulad ng pagpapaospital, ambulansya, kanselasyon ng biyahe, pagkawala ng bagahe at iba pa.
May mga online application sa mga travel insurance providers at airlines. Sa kanilang website ay maaring makuha ng mabilisan ang insurance na akma sa iyo. Maari din magpatulong sa mga travel agent para makakuha nito.

Para sa online na aplikasyon, kailangan lang pumili ng mapgakakatiwalaang ahensya sa tulong ng mga review, research at rekomendasyon ng iba pang biyahero.

Kinakailangan ilagay ang buong detalye ng iyong flight, tagal ng pananatili sa bansang pupuntahan at mga personal na pagkakakilanlan.

Ayon kay Pauline Peralta ng Kreative Travel, ang halaga ng bayarin ng travel insurance ay nakabase sa iyong edad, destinasyon, tagal ng pananatili sa lugar at medikal na kondisyon. Maari kang pumili ng klase ng insurance na makakasakop sa iyong mga pangangailangan.

Bago kumuha ng travel insurance, alamin muna ang mga posibleng kaharaping problema sa lugar na pupuntahan.

May mga ahensya na hindi nagbibigay ng insurance sa mga lugar na may high alert o mataas na panganib. Hindi rin lahat ay nagbibigay ng proteksyon o coverage laban sa mga epedemya o nakakahawang sakit.

Mababasa sa mga website ang travel insurance policy at listahan ng halaga ng mga maari nilang sagutin tulad ng pagpapaospital, ambulansya, kanselasyon ng byahe, pagkawala ng bagahe at iba pa.

Ipinapayo ni Pauline ang pagkuha ng insurance sa oras na makapag book ng ticket para maproteksyunan ka sa kanselasyon ng biyahe.

Ipinapadala sa email ang buong detalye ng insurance at patakaran ng insurer sa pag-claim ng gastos.

Paraan ng pag-claim sa travel insurance

Sa oras may di inaasahang pangyayari habang nasa biyahe, sinasagot ng insurer ang gastos sa mga aberya. Pero sakaling gumastos ang kliyente mula sa sariling bulsa, ibinahagi ni Pauline na kailangan ihanda ang resibo ng mga nagastos sa pagpapagamot at report ng insidente mula sa ospital, pulis, o hotel. Ipinapadala ang mga ito sa insurer para maibalik ang pera.

Ang mga claims ay tinatanggap sa loob ng 30 hanggang 60 araw matapos ang biyahe, depende sa insurer kaya mahalaga na laging makipag-uganayan.

Para sa iba pang pang impormasyon at prosesong nais nyong himayin, wag mag-alala ating isa-isahin sa 'Pano Ba?'.

Share