Babala: Sensitibong tema
Sa Australia, mahigit kalahati ng mga babaeng may temporary visa ang nakaranas ng sexual harassment sa trabaho.
Ayon sa pananaliksik ng Unions NSW, 25% lamang sa kanila ang nag-ulat ng pang-aabuso. Ang mga industriya tulad ng konstruksyon, hospitality, horticulture, cleaning, at retail ay kabilang sa pinakadelikado, kung saan mga boss at manager ang karaniwang salarin.
Ang mga babaeng nag-ulat ng pang-aabuso ay nakaranas ng karagdagang pambu-bully, bawas sa sahod, banta ng deportasyon, o pagkawala ng trabaho.
Ayon kay Professor Marie Segrave mula sa University of Melbourne, karamihan sa mga kababaihan ay naniniwalang mas lalong manganganib ang kanilang kaligtasan kung mawalan sila ng trabaho.
Ang takot na mawalan ng pinansyal na seguridad o paninirahan ang nagtulak sa maraming kababaihan na tiisin na lamang ang pang-aabuso kaysa iulat ito.
Habang nagsasagawa ang gobyerno at Australia Human Rights Commission ng mga batas para mas maprotektahan ang kababaihan sa trabaho, sinabi ni Segrave na ang mga reporma ay bahagi lamang ng solusyon.
"We need to have more complex ways of thinking about different women's experiences of safety, different ways of thinking about supporting women and creating safety around this.”
Kung ikaw o may kakilala kang nais makipag-usap tungkol sa sexual abuse o harassment, tumawag sa 1800RESPECT sa 1800 737 732 o bisitahin ang 1800respect.org.au.
Para sa mga emergency, tumawag sa 000.