Kung tumulong ay wagas, 'pay it forward' ang pambayad

Pamilya ni Jenny Asibal sa Victoria, Australia

Source: Jenny Asibal

" I know what it's like to start out as new migrant. My heart goes out to every Filipino that you know might be needing help and support."


Di naging madali para sa isang ina na si Jennifer Asibal o mas kilalang si Jenny  na mangibang bansa kasama ang asawa at apat nitong mga anak.

Taong 1998, unang nakatungtong dito sa  Sydney, Australia ang pamilya ni Jenny. Nakakuha ng working visa ang asawa nitong  si Jose na  isang  IT.

Pero dahil may mga  nagbukas na magandang oportunidad sa ibang estado tumulak silang pamilya  papuntang Melbourne sa Victoria. Kwento nya ilang taong din syang di nagtrabaho para tutukan ang paglaki ng mga anak, habang subsub sa trabaho ang asawa nito.

Pero nang handa na ang  bunsong anak para maiwan sa childcare, nag-aral at nagsimula ng magtrabaho  si Jenny.

Dagdag pa nito kahit mahirap kailangan niyang tumulong maghanap buhay dahil  kailangan nilang mag-ipon para sa bahay at tumulong mabigyan ng magandang buhay ang mga anak na noo'y nag-aaral na .

"Nagsimula talaga ako sa wala. Mahirap sa umpisa pero awa ng Diyos, kinaya ko. Tiyaga lang, mahabang pasensya at nakatulong talaga ang suporta ng aking asawa," kwento nya.

Pero di natapos ang pagiging ina ni Jenny di lang sa kanyang mga anak pero bilang isang migrante. Nagdesisyon na mangibang bansa para sa mas magandang buhay para sa pamilya. Bukal sa puso ni Jenny noon pa man na tumulong para sa mga bagong dating dito sa Australia.

"Hindi naging madali para sa amin ang desisyon na mangibang bansa. At hindi rin iba ang karanasan ng ibang migranteng nagsisimula pa lamang dito. Kaya sabi ko sa sarili ko, kapag nakaluwag-luwag ako financially, tutulong talaga ako sa iba," sabi ni Jenny.

Isa sa kanyang natulungan ay ang kaanak na si Jake at pamilya nito na ni minsan ay  di nya nakita kahit sa Pilipinas pa noon. Dito na lang sila pinagtagpo sa Australia.

“Dito lang talaga kami nagkita ng personal sa Australia. Tinulungan ko siya sa mga pangangailangan niya para mapagaan kahit paapaano ang pagsisimula niya rito," aniya.

Dagdag pa ni Jenny, kahit pa nasa ibang bansa na siya nanirahan sa loob ng  mahabang panahon, meron pa din itong puso para sa mga Pinoy.

“Giving is actually a Christ character, and I love to make sure that character of Christ is shown through me as a Christian as well as a Filipino values, that we have that  kind spirit,  giving spirit  that helping spirit, " dagdag ni Jenny.
Pamilyang Asibal namasyal kasama ang pamilya ni Jake
Source: Jenny Asibal
Taong 2012 dumating  dito sa Sydney ang pamilya ni Martiniano Jake Neri III, ang asawang si Donna at anak na si Meggan.

Kahit na permanent resident sila ng dumating, dahil accountant ang asawang  si Donna, di din naging madali ang pagsisimula ng pamilya.

Lalo na’t  nahirapan itong makakuha ng trabaho  na ayon sa kanyang propesyon, pati na din si Jake  na may natapos ng Doctor of Philisophy major in Education Management sa Pilipinas. Pagdating sa dito sa Sydney kailangan nyang mag-door to door ng application makakuha lang ng  trabaho.

“My salary was below par, and I was pegged with the students. It was very difficult that time," sabi ni Jake.
Family reunion ni Jake at pinsan na si Jenny sa Australia
Source: Jake Neri III
Kaya laking pasasalamat nila nang may nakapagsabing may kaanak sila dito sa Australia.  At nag-abot pa ng tulong, nangako akong babayaran pero ang sagot niya keep the ball rolling.

Nagpasalamat naman si Jenny dahil na-appreciate ni Jake ang tulong na bigay nito.

“ I supported him financially. It wasn't that big of an amount but something for the family to start of with. I never really thought of asking anything in return because I gave it out of my heart out of my love for him”, tugon ni Jenny.

Ilang taon ang nakalipas , nagbunga ang pagpursige  nila Jake at asawa nitong si Donna. Isang biyaya  umano mula sa Diyos ang pagkakaroon ng magandang trabaho nilang mag-asawa ngayon. 

Ngayon  naging seryoso ang pamilya sa pagtulong ng walang kapalit gaya nang ginawa sa kanilang  kaanak na si Jenny at pamilya nito. Dalawa sa pamantayan ni Jake sa pagpili ng tutulungan ay yong may determinasyon sa buhay at kayang tumayo sa sariling mga  paa.

“Masarap lang ang pakiramdam na makatulong ka sa ibang tao," dagdag ni Jake.

Inihanda din ni Jake ang sariling bulsa para itulong sa kanilang napiling pumunta dito sa Australia para sa mas magandang buhay.  Naging sandalan din sila sa panahong kailangan nila ng karamay habang nagsisimula sila sa kanilang bagong buhay dito sa bansa.

Chef de Partie  Rachelle Torayno
Source: Rachelle Torayno
Taong  2015  nakarating dito sa Sydney Si Rachelle Torayno na tubong Cagayan de Oro City pero naging chef sa Cebu. Ayon kay Rachelle, labis ang kanyang pasasalamat dahil kahit hindi sila kadugo, pinili siya na matulungang makarating dito.

“ I never thought  they're  gonna be that generous because  I don’t really know them well  back home,” kwento ni Rachelle

Maliban sa  pagproseso ng kanyang visa papuntang Australia , nag-abot din ng tulong pinansyal ang pamilya ni Jake kay Rachelle para agad makarating ito sa bansa. Ilang buwan din itong nakituloy sa kanila para makapagsimiula ng buhay dito sa Australia.
Chef de Partie  Rachelle Torayno in Sydney,Australia
Source: Rachelle Torayno
“Im very grateful to kuya Jake because I think without him sending a message  few years  ago I don’t think  I'll be happy living life  independently. I'm just waiting for my PR waiting for that time  para maka pay it forward na ako," sabi  ng dalaga.

Mag-aapat na taon matapos dumating si  Rachelle, nagbunga ang pagtulong ng pamilya ni Jake dahil  dumating si Alyssa Palmere  taong 2019 mula Cagayan de Oro City.

Si Alyssa ay kasalukuyang nag-aaral ng Diploma in Community Services  dito sa Sydney at  isang Registered Nurse naman ito ngayon sa isang  aged care facility sa may Baulkham Hills.
Autumn getaway kasama sila Jake, Alyssa at Rachelle sa Sydney Australia
Source: Alyssa Palmere
Gaya ni Rachelle di kamag-anak si Alyssa, pero nakita nila Jake na malayo ang marating ng isang tulad ni Alyssa.

Pero aminado si Alyssa  noong una, isa sya sa isang porsyento lang ng mga nurses na ayaw sanang mag-trabaho abroad dahil masaya sya sa trabaho  sa Pilipinas dahil kapiling nya ang kanyang pamilya’t mga kaibigan, pero  nang magkapamilya nag-iba ang  ihip ng hangin .

“Kung hindi lang dahil sa pamilya ko, hindi ko talagang maiisip na mangibang bansa. Lumapit ako kay kuya Jake at ginabayan niya ako sa proseso," sabi ni Alyssa.

Salu-salo sa bahay ni Jake kasama sila Alyssa at asawa nito sa Sydney Australia
Source: Alyssa Palmere
Umaasa naman si Alyssa na maging maganda ang kanyang buhay dito at di magtagal ay makuha din nya ang naiwang anak sa Pilipinas. Nais din niyang tulungan ang dalawang kaibigang  nurses   na gustong mag-abroad.

“ I have 2 workmates  from my old work days  who wants to come over here in Sydney and I've tried  helping  them by  sorting their  papers  but since our  borders are still  close there is nothing much to move forward," dagdag pa nito.

Panalangin nila Jake , Rachelle at Alyssa maging  mas maganda ang kanilang buhay  sa hinaharap para mas  marami pa ang kanilang matutulungan. Kaya nagpasalamat sila dahil nabuksan ang kanilang puso at isipan sa pamamagitan ng ginawang magandang halimbawa ni Jenny at ng kanyang pamilya.

Sa ngayon, buhos ang biyaya ng Diyos na  natatanggap ng pamilya  ni Jenny at asawang si Jose.

Dahil hindi lang siya naging ina sa kanyang apat na mga anak kasama na ang kanyang mga natulugan sa pamamagitan ng pay it forward na kanyang sinimulan. Lahat din ng kanilang mga  anak  ay nakapagtapos  na ng pag-aaral at maayos na din ang kanilang mga buhay.
Luzvimind Group in Victoria
Source: Jenny Asibal
Aktibo din si Jenny sa pangangalaga ng  Luzviminda group sa Melbourne, grupo ito ng mga Pinay na nakapag-asawa ng mga Australyano. Binubuhay ng grupo ang tunay na ugaling Pinoy sa pamamagitan ng pagtutulungan, damayan at bayanihan.

Share