Kudkuran at parcel box ibinida ng isang Pinoy ngayong lockdown sa Sydney

Ronald Madrid Leander

Source: Ronald Madrid Leander

"Bata pa lang ako nakagisnan ko na ang pagiging karpentero, dahil ang papa ko ay isang karpentero bago pa sya naging guro, at nagtrabaho din ako sa isang furniture shop nakapa-detailed ang pagiging furniture carpenter."


Highlights
  • Bata pa lang ako nakagisnan ko na ang pagiging karpentero dahil ang ama ko ay karpentero bago naging guro
  • Ang pagiging furniture carpenter, kung gumawa ay napaka-detalye dapat de kalidad
  • Gusto lang sana maging abala si Ronaldo Leander sa panahon ng lockdown pero naging dagdag kita ang ginawang kudkuran at parcel box
"Ngayon ang gusto ko lang sana na ma-busy sa panahon ng lockdown ay napagkakakitaan ko yong galing sa mga napulot ko sa construction site."

Namana ni  Ronald Madrid Leander ang kanyang  kakayahan  bilang karpentero mula sa kanyang ama. Hanggang napasok ito sa pagawaan ng furniture kung saan isa sya sa mga gumagawa ng mga muwebles.

Noon pa man nakitaan na sya sa pagiging madiskarte sa buhay dahil maliban sa pagiging karpentero naging correspondent sya ng GMA network sa Central Luzon .

Hanggang nakapagdesisyon itong mangibang bansa noong Hulyo taong 2014 at dito nga sa bansang Australia nasubukan ang kanyang pagkamadiskarte. Hanggang dumating ang isang malaking hamon, ang pandemya. Pinakalala pa ay inilagay sa hard lockdown ang Liverpool kung saan sya nakatira  hanggang  ang buong New South Wales.


 

Dumiskarte para hindi ma-drepress

"Boring ang lockdown, dapat ma-busy ako dahil baka ma-depress ako, " kwento ni Ronald.

Dahil  walang trabaho, dito na nya napagdiskartihan ang mga ni-recycle o napulot nyang mga construction materials mula sa construction site.

"Nanghihinayang ako dito kasi sa Australia tapon ng tapon sa bin, kalahating plywood at kalahating box ng screw tinatapon kaya kinukuha ko, itong mga ito ang plano kong pagkakakitaan."
Parcel box na gawa sa recycled material
Parcel box na gawa sa recycled material ngayong lockdown. Source: Ronald Madrid Leander
Pinaka-una nyang ginawa ang parcel box .

"Halos linggo linggo may parcel akong dumarating hindi ko na mabilang ang nawala, kaya ginawa ko ito, wala akong gastos dahil recycle lahat ito mula sa construction site."

At dahil mahirap maghanap ng kudkuran na kagaya sa Pilipinas, ginawa nya ang espesyal na foldable na kudkuran o coconut grater, para sa personal na gamit.  Pero nang i-post sa social media ang kanyang nagawa, dumagsa ang maraming orders.
Kudkuran (coconut grater) na gawa sa recycled materials.
Kudkuran (coconut grater) na gawa sa recycled materials. Source: Ronald Madrid Leander
"Marami akong off-cuts nga kahoy mga napulot ko lang tapos naalala ko yong mga Pinoy sa tinirahan ko naghahanap ng kudkuran, marami naman niyog nabibili pero walang kudkuran kaya yon ginawa ko. Maraming orders, pati pa sa Pilipinas pa ipapadala ko," masayang kwento nito.

Kwento ni Ronald,  hindi madali ang mag-isa dito sa Australia naiwan pa kasi sa Pilipinas ng kanyang pamilya at nakadagdag alalahanin pa ang pandemya. Pero wala syang choice o pagpilian  kundi palakasin ang loob. Kaya ginawa nyang busy ang sarili. At nabunga nga, nang maganda ang kanyang pinagkaka-abalahan ngayong lockdown, na para sa kanyang pamilya sa Pilipinas.

"Introvert ako, pero kapag pala mahaba na yong lockdown para kang nabubuang (nakatawa) kaya ginawa kong busy ang sarili ko. Kausap ko ang  pamilya ko, kasi sila ang dahilan kung bakit ako narito at sila ang buhay ko."

Bilang isang propesyunal na karpentero dito sa Australia, sabi nito malaking  advantage o kalamangan ang may ganitong kakayahan  dahil iwas sa malaking gastos.
Kudkuran (coconut grater) na gawa sa recycled materials.
Kudkuran (coconut grater) na gawa sa recycled materials. Source: Ronald Madrid Leander
" malaking advantage kung maalam ka o karpentero kasi di mo na kailangang tumawag ng karpentero, ikaw na ang gagawa. Alam naman natin mahal ang karpentero dito per oras pa ang bayad,"

Modernong karpentero 

Sa pitong taon na nitong pamamalagi dito sa bansa marami na syang natutunan sa buhay. Pero mas marami syang nadiskubre bilang isang karpentero. Kailangan lang umano  bukas na matuto sa makabagong kaalaman, at pamamaraan, isa na dito ang paggamit sa modernong kagamitan o tools.

"Gusto kong putulin ang kahoy gamit ang lagare na manual, meron pang circular saw, ibig kong sabihin moderno ang pagkakarpentero dito at yong ang gusto kong malaman. Maganda dito ang tools madali mong mabili."

Maliban sa magagarang gamit o tools na kanyang nadiskubre at natutunang gamitin,  pinaka-importante pa rin daw na ipakita ang magandang kaugalian bilang Pinoy .
Ronald Leander pinakita ang paggawa ng parcel box
Ronald Leander pinakita ang paggawa ng parcel box Source: Ronald Madrid Leander
"Kailangann may skills at knowledge  dapat may passion para maayos ang trabaho. Maging humble, huwag mayabang hind yong para i- impress yong iba o yong boss, mas maganda kung sila mismo ang makakita ng iyong ginagawa ," paliwanag nito.

May mensahe din sya sa lahat ng  kagaya nyang naipit sa lockdown dahil sa Coronavirus.

"Wala tayong magagawa pandemya ito harapin natin ito ng maayos kayanin para sa ating pamilya. Kung nadapa tayo, bumangon para harapin ang bukas."

Napatunyan ni  Ronald,  walang short cut sa  kahit anong  hamon sa buhay  kailangan lang itong  harapin  na puno ng pag-asa at maging bukas sa kahit anong pwedeng gawin para mas maging magaan ang paglalakbay.

 ALSO READ/LISTEN TO


 

 

 

 

 


Share