Paano mapanatili ang malusog na pangangatawan at isipan ngayong lockdown

Staying healthy during Covid-19 restrictions

Source: Pexels/ Pixabay

Ngayong mahaba-haba na ang nararanasang lockdown sa Melbourne at Sydney, mahaba na din ang panahon na hindi normal ang galaw ng mga residente, ang iba kahit paglabas ng bahay ay hindi magawa. Kaya apektado hindi lang ang kanilang pisikal na pangangatawan, lalo na ang kanilang mental health.


Highlights
  • Maki-update sa balita o social media tungkol sa virus, pero kailangan itigil ito kapag nagdudulot na ng sobrang takot at pagkabahala
  • Bigyan ng pansin ang mga bagay na pwedeng ma-control gaya ng paggawa ng routine sa sarili, pag-ehersisyo, oras ng tamang pagtulog at bigyan ng oras ang mga mahal sa buhay
  • Kumain ng masustansyang pagkain at gawin ang regular na pag-ehersisyo dahil makakabuti ito sa buong katauhan
Hindi biro ang makaranas ng ilang buwan na lockdown ibig sabihin limitado ang galaw o kaya ang iba ay talagang hindi nakakalabas. Dagdag pasanin pa ang pressure o nararamdamang takot na baka mahawaan ng Coronavirus lalo na ang Delta variant.

Ayon kay Tamara Cavenett, na isang clinical psychologist at kasalukuyang  Presidente ng Australian Psychological Society. Halus lahat ng mga tao sa bansa ay apektado ng pandemya. 


 

Normal matakot bilang tao

“Normal na reaksyon ang pagkatakot kapag ipinatupad ang lockdown, gaya ng posible na mahawaan ng virus at ang pamilya  at ang kawalan ng katiyakan sa buhay, " kwento ni  Dr. Cavenett.

Ang volunteer speaker ng Beyond Blue na si Cecile Sy, ay dati nakaranas ng matinding depresyon at nakarecover lang ito matapos sumailalim sa  psychotherapy.

Kaya ngayong may pandemya at nakatira pa sya sa Parramatta na isa sa mga hotspot Local Government Area of concern dahil sa dami ng tinamaan ng virus, sinabi nya kaya na nyang i-control ang kanyang nararamdaman pero meron daw talagang pagkakataon na nababahala sya sa kanyang nararamdaman.

“Dapat nating tanggapin ang katotohanan na tao lang tayo at may limitasyon. Huwag nating dagdagan ang pressure na nararamdaman, dapat tanggapin at gawin ang tama," abiso ni Cecile Sy.

At ang matindi nyang ginawa ngayong may lockdown sa Greater Sydney ay hindi sya umalis ng bahay sa loob ng dalawang linggo, sa takot na mahawaan ng virus.

“May point na hindi ako lumabas ng bahay,sa takot na mahawaan ng virus, ayaw kung pumunta sa shops at park at hindi pala nakakatulong yon. Ang  pagpunta sa park ay isang relief yon," dadag ni Sy.

Bigyan ang sarili ng mental space

Dagdag ni Dr Cavenett, isa sa mga epekto ng pandemya ay nagiging adik ang tao sa pagsubaybay  sa balita o kaya sa social media  tungkol sa virus. At sabi ng doktor ang ganitong reaksyon ay mas nagpapabigat o nagpapalala sa  nararamdamang takot.

“Kung nagdudulot ang mabuti ang pagiging updated sa news o social media ay maganda okay lang pero kapag takot ang hatid nito sa'yo kumalas ka. Bigyan ang sarili ng mental space," payo ng doktor.
Pag-ehersisyo
Ang pag-ehersisyo ay nakakabuti sa mental health Source: Daniel Pockett/ Getty Imagees
Bigyan ng atensyon kung ano ang kayang i-control

Kaya sabi ng Lead Clinical Adviser ng Beyond Blue na si Grant Blashki, dapat  nakatuon ang isang tao sa kung ano ang kaya niyang i-control.

“Focus on things in your life that you can control. Gaya ng paggawa ng routine sa sarili, exercise, patulog sa tamang oras at tumawag sa mga mahal sa buhay," payo ni Dr. Blashki.

Bilang isang GP o doktor ng mahabang panahon sabi ni Dr Blashki, importante din ang tinatawag na preventive health check.

I-balanse ang oras

Dapat din intindihan  ng bawat isa na napakahalaga na ihiwalay ang oras sa trabaho at oras sa sarili o pamilya ngayong naka-work from home.

“Kailangan mong matutunan ang paghiwalay sa oras ng trabaho at oras sa sarili at pamilya, para balanse at hindi parang nasasakal ka habang naka-lockdown."

Pag-ehersisyo makakabuti sa mental health

Dagdag abiso ni Dr Cavenett , importante ang pag-ehersisyo o exercise ngayong may lockdown, hindi lang para sa pisikal kung hindi  makakabuti din ito sa  mental health.

“ Ito ang tamang panahon para mag-exercise, dahil nakakatulong ito sa mental health. Kasi napapanatili nito ang endorphins  na makakabuti sa mental health ng isang tao."

Ang Professor ng Medicine sa  University of Melbourne at author sa bago lang inilabas na libro na may pamagat na 'Secrets of Women's Healthy Ageing' na si Dr Cassandra Szoeke  ay nagsabing ang araw-araw na pag-ehersisyo ay makakabuti sa kalusugan at buong katauhan ng isang tao.

"Kung kaya ang intense exercise mabuti pero kung hindi kailangan mo lang maging active 7 days a week, gaya ng walking 45 minutes everyday, sabi ni Szoeke.

Kumain ng masustansyang pagkain
Kumain ng masustansyang pagkain Source: Trang Doan/ Pexels


Bigyang atensyon ang diet 

Sabi din ni Dr. Blashki dapat bigyan ng atensyon ngayong may pandemya at naka-lockdown ay ang diet o ang pagkain ng masustansyang pagkain.

“ Ang utak natin ay nagsasabing  limitado ang galaw, at dapat may konting pleasure din. Saan mahahanap? So, mas madalas ang overeating o umiinum ng mas marami. kaya kapag pressure, mag-isip at magdesisyon ng mabuti. "

Pahalagahan  mga nakapaligid at tuklasin ang ibang pagkakaabalahan

Dagdag din ni Cecil Sy, dahil sa pandemya natuto syang bigyan ng halaga ang mga importanteng bagay sa isang tao,  na dati binabaliwala lang nya gaya ng pakikipag usap sa  kaibigan sa telepono o kaya panunuod ng movie.

Ito din ang nagbigay ng daan para makilala ng lubos ang mga taong kahit nakakasama nya hindi nya ito napapansin noon .

"Regular ako sa gym at maraming tao dun hindi ko lang pinapansin. Ngayon, dahil online class, mas nakikita ko yong mga mukha at nakaka-usap ko pa, mas naging malapit kaming lahat, sabi ni Sy.

Simula’t sapul si Mrs. Sy ay regular ng nag-eehersisyo, ngayon nadagdagan ang kanyang hilig sa pagpipinta. Kaya para sa kanya ang pandemya ay nagbigay sa kanya ng bagong pagkakaabalahan  na makakabuti sa kanyang sarili at buong katauhan.

 

 

 


Share