Key Points
- Magtatayo ang multicultural public broadcaster na SBS ng bagong production hub sa Greater Western Sydney.
- Sinabi ni Minister for Communications, Michelle Rowland na ang hakbang na ito ay magbibigay ng mga oportunidad para sa mga lokal na manggagawa na may kasanayan sa produksyon.
- Ikinatuwa ng CEO ng Western Sydney Leadership Dialogue ang anunsyo na aniya ay makakatulong ng malaki sa mga mamamayan.
Inihayag ni Michelle Rowland, Minister for Communication, maglalaan ang pederal na gobyerno ng $5.9 milyon para sa mga pasilidad tulad ng TV studio para sa live audience, mga booth para sa radyo at podcast, collaboration spaces, at workspace na makakatulong sa production.
Unang pinag-aralan ang posibilidad ng paglilipat ng buong headquarters ng SBS mula Artarmon, North Sydney, pero hindi ito itinuloy dahil sa sobrang laki ng gastos.
Natuwa sa balitang pagpapalawak ng SBS ang isang non-profit na organisasyon na tumutulong sa mga isyung mahalaga sa Greater Western Sydney, isa sa mga pinaka-diverse na rehiyon sa Australia.
Sinabi ni Adam Leto, CEO ng Western Sydney Leadership Dialogue, sa panayam ni Biwa Kwan, na malaking tulong ito sa 2.7 milyong mamamayan sa lugar, kung saan 41 porsyento ay ipinanganak sa ibang bansa, karamihan mula South Asia at Middle East.
Ang rehiyong ito ay nagdadala ng $104 bilyon sa ekonomiya bawat taon, kaya’t ito ang pangatlong pinakamalaking ekonomiya sa bansa, kasunod ng Sydney CBD at Melbourne.
Ayon naman kay James Taylor, Managing Director ng SBS, na ang anunsyo ay magbibigay-daan sa mga empleyado na maghatid ng mas natatanging mga kwento para sa lahat ng Australyano.
Ang mga karagdagang resources ay inaasahang tutulong sa SBS na makagawa ng humigit-kumulang 360 hours ng bagong Australian screen content bawat taon, at 1,440 hours ng orihinal na audio at podcast content taun-taon — kabilang na ang mga multilingual na programa.