Taong 2020 pa nang matigil ang maraming bagay na nakasanayan natin, tulad ng mga malalaking pagtitipon at events na kadalasang bahagi na ng buhay ng mga tao sa komunidad.
Gaya na lang ng Filipino Fiesta Kultura event sa pangunguna ng Philippine Australian Sports and Culture Inc.
Ito na sana ang ika-35 taon ng pagsasagawa nila ng Fiesta Kultura event pero dahil sa pandemic, naudlot ito.
Pero kasunod ng pagtaas ng vaccination rate sa bansa, at pagluluwag ng mga restriksyon, unti-unting nabuhayan ng loob ang maraming organisasyon na ituloy ang mga event ngayong Pasko.
Highlights
- Layunin ng community events ngayong Pasko na makakatulong sa mga kababayan at ma-improve ang mental health ng bawat isa
- Itatampok ang pagbabalik sa entablado ng mga local singers at performers na naapektuhan ng pandemya
- Kumpiyansa ang organisasyon sa pagkakaroon ng mataas na vaccination rate ng mga Pilipino sa NSW
Pagkakataon din ito para sa mga performers na makabalik sa entablado matapos ang mahabang panahon ng restriksyon sa kanilang hanap-buhay.
Bagaman may mga pangamba dahil sa pagpasok ng bagong variant ng coronavirus na Omicron sa Australia, kumpiyansa si Marivic Flores, Pangulo ng PASC Inc na maipapatupad ng maayos ang mga health protocols para sa darating event. Bukod dito, isa sa may pinakamataas na vaccination rate ang Filipino community sa mga multicultural groups sa estado.
Aabangan sa Pasko na Naman event sa Sabado, ika 4 ng Disyembre ang performances ng mga Filipino Australian singers na sina Fasika, Miguel Castro, Emerson Tuazon, Sophie Dalisay at marami pang iba. Gaganapin ito sa West HQ sa Rooty Hill sa ganap na 6:30 ng gabi. Susundan ito ng pagbibigay ng mga regalo at grocery package para sa mga benepisyaryo ng kanilang Ayuda sa Kapwa.
Maraming Filipino Community Organisations na ang nagkasa na ng kanilang mga Christmas events sa mga susunod na araw. Habang hindi makapiling ang mga mahal sa buhay sa Pilipinas, sa mga kainan, pakikipagsaya at kantahan kasama ng mga kaibigan na muna idadaan ng marami ang selebrasyon ng pasko.