Mga pagkaing Pilipino na umaasa na magpapa-wow sa Australia

Wow Filipino Food

Wow Filipino Food's grilled pork belly and grilled chicken "inasal" style Source: SBS Filipino

Sa una'y dalawa lamang sa pinakakilalang lutuing Pilipino ang kanilang inihahandog, ngunit sa kinalaunan, nais ng mag-asawang ito na mapasikat ang mga pagkaing Pilipino at tunay na magpa-wow sa Australia sa kanilang masarap at malasang mga pagkain.


Sinimulan ng mga baguhang negosyante na sina Richard Rodillas at Mae Manio ang kanilang negosyo sa isang tent sa hilagang kanluran ng Sydney, nagbebenta ng inihaw na pork belly at chicken "inasal" na may kasamang kanin. Ngunit ngayon, medyo napalaki na nila ito sa isang permanenteng espasyo sa Street Food area sa Eastwood at iba't ibang putahe na ang kanilang naidagdag sa kanilang menu.

Kasama ng ilang sikretong sangkap mula sa kanilang pamilya, ang dalawa ay aktuwal o hands-on sa kanilang paghahanda ng mga pagkain, mga putahe na niluto sa may kasamang pagmamahal, binudburan ng sariwang mga sangkap na umaasa na magpapa-wow sa mga mamimili.
Wow Filipino Food
Young couple Richard Rodillas and Mae Manio with their three-month-old Marcus (SBS Filipino) Source: SBS Filipino
Sa kanilang lakas ng loob, pananampalataya at dasal, alam ng dalawa na "kung alam mo sa sarili mo na masarap ang pagkain mo, ginagawa mo ang best mo, everything will follow," na siyang naging inspirasyon ng dalawa upang isakatuparan ang kanilang pangarap na negosyo.
"Know your why, alamin mo 'yung bakit mo, bakit mo sinimulan? Pera lang ba? Sa akin po talaga, ang dahilan ko talaga ay para maipakilala sa lahat ng lahi 'yung pagkain ng Pilipino."
Pangarap ng mag-asawang may-ari ng Wow Filipino Food na mapalaki ang kanilang food business sa limang sangay sa buong Australya at magpatuloy na magpa-wow sa mga mahilig sa pagkaing Pilipino.
Wow Filipino Food
Wow Filipino Food in Sydney's north west in Eastwood (SBS Filipino) Source: SBS Filipino

Share