Key Points
- Ang Order of Australia ay isang hanay ng karangalan sa Australia na kumikilala sa mga mamamayan para sa natatanging tagumpay at serbisyo sa komunidad.
- Mula sa serbisyo para sa mga migrante, kababaihan, komunidad, edukasyon, social justice, palakasan at kawanggawa, mayroon nang hindi bababa sa walong Pilipino Australyano ang ginawaran ng Medal of the Order of Australia sa nakalipas na ilang dekada.
- Unang pinarangalan ng OAM ang yumaong abogado na si Lolita Farmer noong 1981. Taong 1991 naman ng tumanggap ng OAM ang educator at manunulat na si Reynaldo Juanta.
- Sa NSW, nagawaran rin ng OAM sina Deborah Ruiz-Wall (2004), Manny Castillo (2009) at Jose Relunia (2020); Sa ACT, kinilala si Maria Lourdes 'Noonee' Doronilla (2015), si Rachel Bessant (2019) mula sa Tasmania, at ang South Australian na si Carmen Garcia (2024).
LISTEN TO THE PODCAST
What is the Order of Australia, and who are the Filipino migrants recognised in the honours list?
SBS Filipino
27/01/202533:46
Itinatag noong 1975 ni Queen Elizabeth II, ang Order of Australia ay hanay ng parangal sa Australia na kumikilala sa mga mamamayan para sa natatanging tagumpay at serbisyo sa komunidad.
Ang Order of Australia ay may apat na antas ng parangal - ang Companion of the Order (AC), Officer of the Order (AO), Member of the Order (AM) at ang Medal of the Order (OAM).
Sa nakalipas na mga dekada, ilang pinunong Pilipino ang kabilang sa mga nakatanggap ng mga parangal kabilang ang AM at OAM.
John Rivas AM (2016)
Ang matagal na nagsilbi bilang Philippine Honorary Consul-General ng Northen Territory na si Januario "John" Rivas ang kauna-unahan at tanging Pilipino na tumanggap ng karangalan bilang Member of the Order of Australia (AM).
Taong 2016 nang igawad ang pagkilala para sa lahat ng kanyang nagawa para sa pagtulong sa mga migranteng Pilipino at pagsulong ng mga baylateral na ugnayan sa pagitan ng Northern Territory at Australia at Pilipinas sa palakasan, edukasyon, kalakalan, at negosyo.
Hangad ni Ginoong Rivas na maging isang inspirasyon sa mga kapwa Pilipino-Australyano sa paglilingkod sa komunidad at paggawa ng kaibahan sa lipunan.
Philippine Honorary Consul-General in Northern Territory, John Rivas AM.
Lolita Farmer OAM (1981)
Taong 1981 nang tinanggap ni Lolita Farmer ang Medal of the Order of Australia para sa kanyang serbisyo para sa komunidad migrante partikular sa mga isyu kaugnay ng mga kababaihan, childcare, at pamamahayag sa radyo.
The OAM is not mine alone, it belongs to the community.The late Atty Lolita Farmer
Kinikilala ng yumaong abogado mula New South Wales ang pagkakaiba ng mga tao sa Australia lalo pa nga ay marami ang nagmula sa iba't ibang kultura at wika.
"Our diverse insights enrich the projects and the meaning of what we do," ani Mrs Farmer.
Nagpapasalamat siya sa suporta ng komunidad Pilipino sa mga adbokasiya na kanyang sinimulan at sa mga proyekto na kanyang pinangunahan.
"I am very thankful to all who have travelled with me all along the way - to those who have helped and even those who didn’t. At least we can say, from within the Filipino community some got to be recognised.
"The Filipino community is one that I would say is very united in a common purpose - that is to benefit the welfare not only of Filipinos but the whole society of Australia."
Maaari aniyang maipagmalaki na may ambag ang mga Pilipino sa pag-unlad ng Australia.
Malaki rin ang naging papel ni Mrs Farmer para sa pagtataguyod na maisama ang programang Pilipino sa SBS Radio noong taong 1978.
Dr Dante Juanta OAM (1991)
Isang guro at propesor sa Pilipinas bago nanirahan sa Australia, si Dr Reynaldo "Dante" Juanta ang unang Pilipino mula sa South Australia na nagawaran ng titulong OAM noong 1991.
Kinilala sa kanyang serbisyo sa edukasyon, multikulturalismo at serbisyo sa komunidad Pilipino.
Para kay Dr Juanta, ang karangalan na kanyang natanggap ay ipinagpapasalamat niya sa Maylikha at sa mga taong sumusuporta sa kanyang mga adhikain mula nang manirahan ito sa Australia simula taong 1973.
Deborah Ruiz-Wall (2004)
Isang mamamahayag at manunulat si Deborah Ruiz-Wall mula Sydney ay ginawaran ng OAM award noong 2004 para sa serbisyo sa komunidad sa larangan ng panlipunang katarungan, nagsulong ng pagkakasundo, at multikulturalismo.
Ipinagpapatuloy niya ang kanyang mga adbokasiya para sa mga kababaihan, pagtataguyod ng pagkakasundo sa pagitan ng mga Indigenous at non-indigenous Australian.
Ginagamit niya ang iba't ibang tula, kasaysayan na isinalin sa ibang wika at anumang panulat upang makapagbigay ng kamalayan sa mga tunay na nangyayari sa ating paligid.
Naniniwala si Ruiz-Wall na ang "edukasyon at serbisyo sa mga tao ay hindi natatapos at hindi dapat na matapos dahil tayo ay palaging nahaharap sa mga pagsubok at hamon."
Manny Castillo OAM (2009)
Ang dating pangulo ng Philippine Australian Sports and Culture na si Manny Castillo ay nabigyan ng parangal na Medal of the Order of Australia noong 2009.
Kinilala siya para sa kanyang mga ginawa para sa pagtataguyod ng kultura, palakasan at serbisyo sa komunidad.
Sinabi ng lider ng komunidad mula NSW, na "hindi ko ipinagmamayabang ang parangal na ito, bagkus ay itinuturing na isang pagkilala sa aking mga nagawa para sa komunidad".
Jun Relunia OAM (2020)
Kilala sa kanyang aktibong paglilingkod sa mga kababayang Pilipino sa New South Wales, si Jose "Jun" Relunia ay tumanggap ng Medal of the Order of Australia noong 2020.
Pinarangalan para sa sa kanyang halos 40 taon na pagse-serbisyo sa komunidad Pilipino sa New South Wales.
Community leader Jose 'Jun' Relunia during one of the community events in Sydney. Credit: SBS Filipino/Annalyn Violata
Taong 1981 nang lumipat sa Australia si Ginoong Relunia sa edad na 32.
Noonee Doronilla OAM (2015)
Taong 2015 nang magawaran ng Medal of the Order of Australia (OAM) ang Canberran na si Maria Lourdes "Noonee" Doronilla.
Kinilala siya sa kanyang mga nagawa para sa serbisyo sa komunidad sa larangan ng social welfare at mga kultural na organisasyon sa Victoria at ACT.
At sa patuloy niyang serbisyo sa komunidad, bahagi siya ng mga proyekto at mga grupo na nagtataguyod para sa kalusugan ng mga kababaihan, kapakanang pantao, kultura at sining.
Rachel Bessant (2019)
Ang mapagkawanggawa na si Rachel Bessant mula sa Launceston, Tasmania, ay ginawaran ng Medal of the Order of Australia (OAM) sa General Division noong 2019.
Kinilala siya para sa kanyang serbisyo sa mga bata sa Pilipinas.
Itinatag ni Rachel ang Filipino Needy Children Fund Inc, na hangad niya na magbibigay ng tulong sa maraming mga bata at mga tao na labis na nangangailangan sa Pilipinas.
Walang tigil ang pagkilos niya para patuloy na makalikom ng pondo para sa mga biktima ng mga sakuna sa Pilipinas at maging sa Australia.
Rachel Bessant (right) with co-volunteer and charity supporter Martha Beard (left) with Mayor of Launceston Abert Van Zetten. Source: Supplied
Carmen Garcia OAM (2024)
Kasama sa 1,042 na tumanggap ng mga parangal noong 2024 ang diversity and inclusion advocate at kasalukuyang Philippine Honorary Consul to South Australia na si Carmen Garcia.
Kinilala siya para sa kanyang mahalagang serbisyo sa multikultural na komunidad sa pamamagitan ng mga pagtataguyod at programa sa diversity at inclusion.
Si Carmen Anne Garcia ang founder at chief executive officer ng Community Corporate.