Ang pag-angat ni Chef Ross Magnaye

Personal ang pagkain ni Rice Paper Sister Head Chef Ross Magnaye. Ang pagkaing kanyang niluluto ay nagkukuwento ng storya ng kanyang pamilya't pinanggalingan, at ng kanyang advocacy para sa pagkaing kanyang pinakamamahal - ang pagkaing Pilipino.

Ross Magnaye

Ross Magnaye, Head Chef of Rice Paper Sister Source: Ross Magnaye

“To be able to get to where I wanted to get, I had to take s**t.”

Nakakamangha ang CV ng Melbourne chef na si Ross Magnaye. Nagluto siya sa D.O.M., isang restawran sa Brazil na nabigyan ng dalawang Michelin stars. Nagtrabaho siya sa Le Servan, isang bistro sa Paris, kasama ang dalawang half-Filipino na sina Tatiana at Katia Levha, at sa Aziamendi, isang tinaguriang restawran sa Thailand.

Ngunit, kahit nilibot na niya ang mundo, hindi niya nakakalimutan ang mga lasang nagpapaalala sa kanya sa Pilipinas.

Pinanganak si Mr Magnaye sa Pilipinas, at may kamag-anak pa rin siya sa Cebu, Maynila at Davao. At habang tinuring na niyang bansa ang Australya, patuloy niyang ipinagmamalaki ang mga pagkaing tinuro sa kanyang mahalin ng kanyang mga lolo, lola't magulang.

Ang lola niya ang may-ari dati ng sikat na restawran sa Cagayan de Oro - ang Carol's. Pagkatapos niyang magbiro na piniritong itlog ata ang una niyang niluto noong bata pa siya, sinaad niya na ang mga pagkaing naalala niya sa kanyang pagkabata ay ang adobo, paklay, pinakbet, paella at lengua na gawa ng kanyang mga lola.
A younger Ross Magnaye and his grandmother, Carol
A younger Ross Magnaye and his grandmother, Carol Source: Ross Magnaye
Natutunan niya ang pagmamahal para sa pagkain mula sa kanyang pamilya. Lumakas ang pagmamahal na ito at ito'y kanyang naging pasyon at karera. 

“When I started 10 years ago, there were restaurants that I worked for from 90 to a hundred hours per week just to kind of learn, and enhance [my] craft and become better,” saad niya.

Ayon kay Mr Magnaye, noong nag-uumpisa siya bilang chef, may mga trabaho siyang ginawa ng walang bayad dahil gusto niyang matuto. Hindi na rin siya nagkaroon ng panahon para sa personal niyang buhay, at maraming mga kaarawan at kasal din siyang hindi nadaluhan dahil sa trabaho. 

Ngunit, kahit nawalan siya ng oras sa labas ng kusina, marami siyang nakuha mula sa mga panahong iniukol niya sa trabaho.

Nag-train siya bilang pastry chef sa ilalim ni Darren Purchese, para sa pastry shop nitong Burch & Purchese sa Chapel Street. Kakabukas lang noon ng shop nung sumali siya dito, at ayon kay Mr Magnaye, noong panahon na iyon, "it was a bit intense". Aniya, eye-opener ang kanyang karanasan sa sa shop, at natuto siyang maging matatag, magkaroon ng pasensya at maging madetalye.

Nang tanungin siya kung dumaan siya sa 'baptism through fire' sa trabaho, natawa siya at sinabi niyang mabilis ang galaw sa kusina, at maaring tingin ng iba na bastos ang lengwahe na ginagamit dito. Ngunit ayon kay Mr Magnaye, bahagi ang "being told off" ng pagtatrabaho sa kusina; saad niya na kailangan ng "thick skin" ang sinumang nagnanais maging bahagi ng industriya.

Head Chef na si Mr Magnaye ngayon ng Rice Paper Sister, isang restawran sa Melbourne CBD na naghahain ng Southeast Asian fusion food.
Ross Magnaye now works as the Head Chef of Rice Paper Sister
Ross Magnaye now works as the Head Chef of Rice Paper Sister. Source: Ross Magnaye
“The beauty of that place is I can do the food that I want to do,” ayon sa kanya.

At ang pagkaing patuloy niyang ginagawa ay ang pagkaing kinalakihan niya, at natutunan niya mula sa kanyang mga lola't ina.

Nagdagdag siya ng mga pagkaing Pilipino sa menu ng restawran, gaya ng sisig, kinilaw at adobo. Aniya, pinapayagan siyang magdagdag ng kahit anong pagkain sa menu, basta't masarap ang mga ito.

Naging makatotohanan ang pangarap ni Ross Magnaye. Hindi lang basta siya kumikita bilang chef, nagagawa pa niya ang pagkaing pinakamamahal niya. Sa huli, ang pag-angat ni Ross Magnaye sa mundo ng pagluluto ay isang kwento ng pamana na inihain, at pagpapahayag sa sarili gamit ang pagkain. 

Para sa mga interesado, madalas nakikipag-collaborate si Ross Magnaye sa ibang mga kilalang chef. Itong darating na Agosto 12, magkakaroon ng culinary event si Mr Magnaye sa Rice Paper Sister kasama ang nanalo ng MasterChef 2017 na si Diana Chan.

ALSO READ

 

Share
Published 8 August 2018 7:58am
Updated 10 August 2018 12:12pm
By Nikki Alfonso-Gregorio


Share this with family and friends