"First time kong gumawa ng Pinoy na parol dito sa Australia. Naisipan ko lang gumawa ng parol kasi para bang nami-miss ko ang Pilipinas lalo na ang aking pamilya doon," pagbabahagi ni Adrian Asilo.
Taong 2016 pa nang huling umuwi sa Pilipinas ang buong pamilya ni Adrian.
Sinamantala na rin ng tatay na ito na tubong Oriental Mindoro na ituro sa kanyang dalawang anak kung paano ang paggawa ng tradisyonal na Pinoy Parol.
Mga highlight
- Mga palamuting tunay na Pinoy tulad ng parol ay simbolo ng kagalakan ng bawat pamilya sa panahong ito.
- Hangad ng maraming Pinoy tulad ni Adrian Asilo na maipagpatuloy ang natatanging pagdiriwang ng Paskong Pilipino.
- Ang pagsasama-sama ng pamilya ang sentro ng bawat pagdiriwang at siya ring dala-dala ng bawat isang Pinoy asan man sila sa mundo.
Parol, tunay na simbolo ng Paskong Pinoy
Malinaw pa sa alala ni G. Asilo ang kanyang kabataan at ang paggawa ng parol.
"Noong high school, ang mga bata may Practical Arts subject, tapos tuwing malapit na ‘yung Pasko, talagang nire-require na gumawa ng parol. So, kanya-kanyang design. Nakakatuwa at nakaka-miss ‘yung mga ganu’n pag naaalala mo ang kabataan mo"."Nakakita ako ng 1-meter dried bamboo sa isang store. I cut them into pieces to form the parol frame… tapos meron dito ‘yung nabibili na cellophane na parang pambalot ng yema, so ‘yun yung ginamit ko na pambalot sa parol. Para naman sa buntot ng parol, meron ‘yung parang tissue paper pero actually para siyang papel de hapon sa atin.
Traditional Filipino parol made from bamboo stick and wrapped with colourful cellophane. Source: Adrian Asilo
Pagpapatuloy ng tradisyong Pinoy
Bagaman, ordinaryo lang ang paglalarawan ni G. Asilo sa kanyang mga ginawang parol, nang ibahagi niya ito sa social media, marami ang nagkagusto sa mga Pinoy star na gawa niya at nagtanong kung gumagawa ba siya at nagbebenta.
Binigyang-diin niya na "gusto ko lang malaman ng mga anak ko kung ano at paano ‘yung kabanataan naming kapag sasapit na ang Pasko at kung ano ‘yung Pinoy parol talaga"."Ginawa ko lang ‘yun para ipakita ko sa mga anak ko na ganito ang tradisyon natin sa Pilipinas, gumagawa ng parol at saka kung papaano gumawa ng parol. Pero may ilan akong kaibigan na pinagbigyan ko at iginawa ko sila ng parol."
Passing on to the younger generation the art of making Pinoy parols. Source: Adrian Asilo
Pagsasalu-salo ng pamilya
Taong 2002 pa nang lumipat at manirahan ang pamilyang Asilo sa Australia. Sa halos dalawang dekada nila dito, nananatili pa rin ang diwa ng Paskong Pinoy.
Higit sa ano pa mang tradisyon ng Pasko, ang pagsasama-sama ng pamilya ang nais na maipasa ng Director of Sports and Activities ng MacsCrankit Foundation sa kanyang dalawang binatang anak.
"Number 1 talaga is ‘yung tradisyon natin ‘yung gathering ng buong pamilya tuwing Pasko, ‘Yung parang tuwing Pasko meron tayong laging parang mini-reunion, magsasama-sama at mag-eenjoy, especially ng Noche Buena.""Dito sa Australia, dahil kami lang na mag-anak ang naririto at saka may auntie kami, at ‘yung buong pamilya ko ay nasa Pilipinas talaga lahat, nami-miss ko rin sila," ani ni Adrian.
Adrian Asilo with wife Rhea and two children, Arden and Geoff. Source: Supplied
Salamat na nga lang at may grupo sila ng mga kaibigang Pinoy na lalong nagpapasaya ng kanilang pagdiriwang ng Pasko dito sa Australia.
"Siguro may 5 families ‘yun. Minsan may kanya-kanya kaming assignment every year, halimbawa sa bahay namin gagawin ‘yung Christmas Party, then next year, sa iba naman ang naka-toka na host Filipino family para sa celebration," kwento ni G. Asilo.
BASAHIN DIN / PAKINGGAN