Key Points
- Sa komunidad ng mga Pilipino sa Australia, maraming biktima ang hirap makalapit sa tulong dahil sa mga hadlang tulad ng kultura, pagtanaw ng utang na loob, pagiging dependent sa visa, at kawalan ng kakayahang pinansyal.
- Nananawagan ang maraming grupo at grassroots organisations ng mas angkop na solusyon mula sa pamahalaan.
- Aabot sa $4.4 bilyon ang ilalaan ng gobyerno para sa kaligtasan ng kababaihan sa ilalim ng National Plan to End Violence Against Women and Children .
Higit isang dekada nang nakikibaka para sa Karapatan ng mga kababaihan at biktima ng domestic abuse ang social worker mula Melbourne at chairman ng Gabriela Australia sa si Ness Gavanzo.
"As a worker sa family violence sector, iba't ibang cases across all ethnicity ang natatanggap namin. Magkaiba-iba, ngunit mayroong isang trend na laging nakikita. Ang ating mga kababayan na naka temporary visa ay nahihirapan makakuha ng access sa mga serbisyo dahil sa takot nila sa banta ng deportasyon."
Bilang pangunahing humaharap sa mga biktima, ibinahagi nya ang ilan sa mga ginagawa ng isang social worker.
"Kapag ikaw ay isang social worker at nakalagay ka sa isang organisasyon na pinopondohan ng gobyerno, mayroong iba't ibang uri ng serbisyo. Sasaklawin nito ang mga pangunahing bahagi ng buhay ng isang survivor. Isa na rito ay ang kaligtasan. Kailangan mong gabayan sila at tulungang makuha ang mga resources para sa kaligtasan, kasama na ang ligtas na tirahan para sa kanya o sa kanyang mga anak."
There are very limited resources available. Ano lang ba yung maabot namin kasi voluntary based ang pag-exist ng organisation at bagaman yun ay bahagi ng prinsipyo namin na tuluy-tuloy na tumulong, pero hindi tayo blind sa reality na napaka limiting na wala kang fund na nag-eexist.Ness Gavanzo, Social Worker
Sa patuloy na serbisyo sa komunidad, isinusulong ng kanilang grupo ang reporma sa Migration Regulation ng 1994 na nag-uutos na ang mga biktima ng domestic violence ay maaring mag-apply para sa permanent residency sa Australia.
"Ang Migration Regulation ng 1994 ay napaka-limitado. Tanging ang mga kababaihan na may transition visa lang ang makikinabang dito. Hindi rin malinaw kahit may prospective marriage visa ka. Kailangan mong magkaroon ng eligibility upang magamit ito kahit na fiancé visa pa.
Kaya’t ang aming panawagan sa Gabriela Australia ay may dalawang pangunahing punto. Una, pantay-pantay na mga serbisyo para sa lahat ng biktima ng karahasan sa pamilya at domestic violence anuman ang kanilang visa status. Pangalawa, magkaroon ng amendasyon sa probisyon na aming tinalakay."
National Plan Budget
Sa inanusyong Budget ngayong 2024, mahigit $925 milyon ang inilaan para suportahan ang mga biktima at palawakin ang mga mahahalagang programa sa loob ng limang taon.
Aabot sa $4.4 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa kaligtasan ng kababaihan sa ilalim ng National Plan to End Violence Against Women and Children.
Sisimulan ng pamahalaang Labor ni Prime Minister Anthony Albanese ang pamamahagi ng pondo sa Hulyo 2025.
Naglabas rin ang ilang estado ng kanilang programa bilang aksyon tulad ng planong Multicultural Centre for Women’s and Family Safety sa NSW at Royal Commission into Domestic, Family and Sexual Violence sa South Australia.
Para sa Domestic abuse survivor na si Diana, hindi tunay na pangalan, mahalaga na mailaan ng tama ang pondo. Pero bukod sa pabahay at pangangailangan ng mga biktima, hiling nya na matutukan din ang pangangailangan ng mga social workers na tumutulong sa kanila.
"Sana mabigyan nila ng tamang pondo. Marami namang pera ang Australia, sana nga. Kagaya sa tulad ko, kung may bahay ka mula sa gobyerno, hindi ito kumpleto kung walang tutulong sa iyo para ma-check yung kalagayan namin.
Kahit na ibigay nila sa iyo ang suporta, kailangan pa rin ng emosyonal na suporta. Kahit hindi magawa ito ng pamilya, kailangan ng caseworker tulad niya. Kaya kailangan ng pondo para sa mga taong bibisita sa amin."