Ang Pasko ay isa sa pinakamasaya at pinakamahabang selebrasyon na ipinagdiriwang ng mga Pilipino. At syempre, hindi kumpleto ang Paskong Pinoy kung wala ang mga tradisyong ito.
1. Paglalagay ng mga dekorasyon pagdating ng Setyembre
"Noong nakatira pa ako sa Maynila, hindi kumpleto ang Pasko kapag wala kaming Christmas lights. Kahit tinatamad ang nanay ko na buuin ang Christmas tree noon, basta ilaw at parol kailangan meron kami.
Ngayong nasa Australya na ako, na-mimiss ko ang mga ilaw kapag Pasko. Sa kalye namin dito, kami lang at dalawa pang kapitbahay ang may ilaw (pero tig-iisang strand lang sila – ano kaya yun? Haha).
Kung wala ka pang decorations para sa Pasko pagdating ng Setyembre, late ka na. Late na nga kami ngayong taon dahil Nobyembre na kami nag-umpisa. Pero hanggang Enero o Pebrero siguro maiiwan mga decorations namin. Siyempre, dahil full effort ang mga Pinoy sa paglalagay ng decorations sa bahay, sayang naman kung Disyembre lang naka-display ang mga ‘yon." - Nikki Gregorio, Radio and Online Producer
2. Karoling
“Mahilig akong makinig sa magagandang musika, lalo na sa mga awiting Pamasko sa Pilipino. Nobyembre pa lamang bawa’t taon ay nagpapatugtog na ako ng mga awiting pamasko habang nagmamaneho, at pagdating sa bahay."
“Paborito kong pakinggan ang awiting ‘Ang Pasko ay Sumapit’ dahil sa bukod sa masaya, totoo ang mensahe nito. Isa ito sa hindi ko makakalimutang awiting pamasko dahil ito ang kinakanta ko kapag nangangaroling kami noon ng mga kaibigan ko. Gamit pa namin noon ay bato at patpat habang kumakanta."- Louie Tolentino, Senior Producer
3. Belen"Hilig kong pagmasdan ang Belen dahil sa malalim ang sinisimbolo nito partikular sa tradisyong Pilipino. Sa gabing iyon sa isang sabsaban sa Betlehem, isang simpleng pamilya kasama ang anghel at mga hari ay masayang sinalubong ang kapanganakan ng isang sanggol na magliligtas sa mundo. Sa gabing iyon na ang mga tala ay nagniningning at ang pagmamahalan ang nanaig, pinapa-alala sa atin ng Belen ang kinabukasang punung-puno ng pag-asa dahil naipanganak na ang anak ng Diyos na si Hesus." - Cybelle Diones, Radio Producer
Source: Supplied by CDiones
3. Aguinaldo“Noong bata pa ako, pinakahihintay ko sa Pilipinas tuwing Pasko ang makukuha ako ng aguinaldo. Sumasama ako sa mga pinsan ko na magpunta sa mga bahay ng ninong at ninang namin para bumati ng Maligayang Pasko at manghingi ng aguinaldo. Syempre, kailangang mag-mano muna bago makakuha ng pamasko. Noong panahon na 'yon, maswerte na ako kung makakuha ako ng Ube (Php 100) o Ninoy/Dilaw (Php 500).
Source: Supplied by R.Masinag
Dito sa Australya, napansin ko na ito yata ang isa sa mga tradisyon na hindi mawawala sa kulturang Pinoy. Ang pagkakaiba nga lang ngayon, ako na ang hinihingan ng aguinaldo.” - Roda Masinag, Digital Content Producer
4. Noche Buena "Ang Noche Buena ay isa sa pinakamahalagang mga pagtitipon ng pamilya sa Pilipinas. Eh kasi iyon lang ang pagkakataong makatikim ng hamon at keso, kung minsan ay may lechon pa! May mga prutas din na hindi mo nakakain sa pang-araw araw tulad ng ubas at mansanas.
Lechon ang isa sa mga pagkaing Pinoy na hindi mawawala sa hapag-kainan tuwing Noche Buena Source: E+Getty Images
Dito sa Australia, pangkaraniwan na lang ang mga pagkaing iyan sa Noche Buena. Pero tuloy pa rin ang tradisyong kinagisnan. Ngunit unti-unti nang nababago ang tradisyon. Dati-rati, magkakasama ang lahat hanggang hatinggabi. Pagkatapos ng kainan, magbubukasan ng regalo at maraming kuwentuhan. Dahil magkakaiba na ang tirahan ng mga kapamilya napaaga na rin ang simula ng kainan at uwian ng mga tao. Ang mahalaga nakapag-Noche Buena ang bawa't isa kasama ang extended family." -Christie Rivera, Radio Producer
5. Christmas Tree"Bata pa lamang ako, tuwing malapit na ang Pasko inaabangan ko ang Christmas tree ng Nanay (Lola) ko. Pine tree mula sa Baguio ang ginagamit namin at pinupunuan namin ito ng mga palamuti. Naaalala ko tuwing bago mag-Disyembre darating na ang mga taga Bechaves (flower shop noong araw) para itayo ang Christmas tree sa bahay ng Nanay (Lola) ko. Yung amoy ng pine tree at magagandang palamuti ang mga alala na di ko malilimutan. At dahil extended ang selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas, magsisimula lang kaming tanggalin ang mga palamuti pagdating ng Enero." - Maridel Martinez-Andanar, Radio Producer
Source: Supplied by M.Andanar
6. Monito-Monita "Sa Pilipinas, nakaugalian na naming magbigayan ng regalo tuwing Pasko. Pagdating ng alas-dose ng hatinggabi, nagtitipon-tipon ang aming pamilya sa Christmas tree habang nagpapatugtog ng mga awiting pamasko. Kakaiba ito sa karaniwang bigayan ng regalo dahil kinakailangang ilarawan muna kung sino ang bibigyan ng regalo. Sa simula, kailangang banggitin ang mga salitang 'Ang aking monito o monito ay...' Napakasaya ng buong pamilya kapag ginagawa namin ito dahil sa mga kantyawan at tawanan habang nagbibigyan kami ng mga regalo.
Source: Supplied by C.Centeno
Nami-miss ko na gawin ito, dahil bihira lamang ang pagkakataon na magtipon-tipon ang aming pamilya sa bahay. Para sa akin, ang pinakamahalaga sa Pasko ay ang diwa ng pagbibigayan at pagsasama-sama ng buong pamilya."-Claudette Centeno-Calixto, Radio and Online Producer
7. Pagkukumpleto ng Simbang Gabi"Nakagawian ko nang gumising ng maaga para sa simbang gabi. Pagkatapos ng misa, ang pinakaaabangan namin ng mga pinsan ko ay ang puto bumbong at bibingka na naaamoy namin habang nagmimisa.
The Lights of Christmas at St Mary's Cathedral in Sydney December 2016 Source: Supplied by A.Violata
Sa Pilipinas, paniniwala ng karamihan na matutupad ang anumang kahilingan mo kapag kinumpleto mo ang siyam na araw na simbang gabi. Sa mga nagdaang taon napagtanto ko na ang taunang tradisyon na ito ay nagsisilbing pagkakataon upang magkasama-sama ang pamilya.
Simula nang tumira na ako sa Australya, wala nang pagkakataon na makapag-simbang gabi. Ang mayroon lamang dito ay ang midnight mass o pagsimba sa araw ng Pasko." - Annalyn Violata, Radio Producer
BASAHIN DIN