‘May parehong sintomas ang tigdas at COVID’: Alamin ang travel advice sa gitna ng mga outbreak sa iba’t-ibang bansa

Taong 2014, nang ideklarang nasugpo na ang pagkalat ng tigdas sa Australia. Ngunit kamakailan, may naiulat na pitong kumpirmadong kaso ng nakakahawang sakit mula sa mga byaherong bumisita sa bansa at mga residenteng pabalik ng bansa.

MELBOURNE AIRPORT

Passengers at Melbourne Airport in Melbourne. Source: AAP / JOEL CARRETT/AAPIMAGE

Ayon sa Department of Health ng Victoria, magkapareho ang mga unang sintomas ng tigdas, influenza, at COVID-19.

Kaya naman pinag-iingat ang mga residente at hinihikayat na magpa-test sa tigdas, kung negatibo ang resulta ng kanilang COVID-19 test at kung magkaroon sila ng pantal.

Malalamang ikaw ay may tigdas kung ikaw ay may lagnat, matinding ubo, conjuctivitis, at masusundan ito ng pagkalat ng pantal o rash na magmumula sa ulo, leeg, hanggang sa iba pang bahagi ng katawan.

Maaaring ma-develop ang mga sintomas pito hanggang 18 araw matapos ma-expose sa virus at mananatiling aktibo ang virus sa isang lugar hanggang dalawang oras matapos umalis ang taong may dalang virus o sakit.

Posible rin na magkaroon ng pulmonya at iba pang malalang komplikasyon mula sa tigdas, pahayag ni Professor Brett Sutton, Chief Medical Officer ng Victoria.

Maaaring kailanganin ng mga bata na maospital. Mangyaring humingi kaagad ng medikal na atensyon kung may napansin kang anumang mga sintomas, lalo na kung kakabalik mo lang mula sa ibang bansa
Professor Brett Sutton

Nakaambang panganib sa mga Australyano

Sinabi ng Department of Health and Aged Care na bagaman nasugpo na ang pagkalat ng tigdas sa Australia noong 2014, nahaharap pa rin tayo sa panganib na kumalat ang sakit.

"Bagaman ang tigdas ay hindi na endemic sa Australia, may mga natutukoy pa ring mga kaso dito galing sa mga bisita sa ibang bansa at mga bumabalik na residente.”

“Pagbabakuna ang pinakamainam na paraan para makaiwas sa tigdas, at dito sa Australia, mataas ang antas ng pagpapabakuna (93.5 porsyento sa mga dalawang taong gulang na bata) laban sa tigdas,” dagdag pa nito.
Travel advice

Ayon kay Chief Medical Officer Professor Paul Kelly, dapat isaalang-alang ng mga Australyanong babyahe sa ibang bansa ngayong bakasyon ang nakaabang na panganib sa pagkalat ng tigdas at polio. Dahil maaaring mas mababa ang antas ng pagbabakuna sa ilang mga bansang popular puntahan ng mga Australyanong turista.

"Dapat tiyakin ng mga tao na kumpleto ang bakuna nila laban sa tigdas at polio bago bumyahe sa anumang bansa kung saan laganap ang mga nakakahawang sakit," aniya sa isang pahayag.


Laganap din ito sa ilang bansa sa Middle East at sa buong Africa. May ilan ding natukoy na outbreak sa Europe, UK, at North at South America sa mga nakaraang taon
Pagpapabakuna

Ayon sa gobyerno ng Victoria, mas mataas ang panganib sa mga taong ipinanganak noong o mula noong 1966, at walang dokumentadong ebidensya ng kumpletong bakuna sa tigdas.

“Mas mataas ang panganib na magkaroon ng tigdas ang mga hindi nabakunahang sanggol.”

“Maaaring makatanggap ng bakuna laban sa measles-mumps-rubella (MMR) ang mga sanggol na umabot na sa anim na buwan ang edad, bago bumyahe sa mga bansa kung saan natukoy na endemic ang tigdas, o kung saan laganap ang sakit na tigdas,” dagdag pa nito.

Sinabi din ng Propesor na makakapagpigay ng sapat na proteksyon laban sa sakit ang dalawang dosis ng bakuna.

“Ang mga taong dating nahawaan ay immune na din sa sakit.”

Dito sa Australia, ibibinibigay ang unang dose ng MMR vaccine sa mga may edad na 12 buwan, bilang bahagi ng National Imunisation Program Schedule (NIP).

Kung ang isang sanggol ay nakatanggap ng maagang dosis ng bakuna sa MMR (hal., noong walong buwan pa lamang ito) bago bunyahe sa ibang bansa, kailangan pa rin nilang matanggap ang kanilang karaniwang 12-buwan at 18 buwang dosis, alinsunod sa schedule ng NIP, ayon sa Department of Health.

“Libre ang bakuna sa MR para sa mga sanggol na may edad anim hanggang 12 buwan na babyahe sa mga lugar na apektado ng tigdas.”

Maaari ding makakuha ng libreng bakuna ang mga residenteng may Medicare hanggang sila ay makaabot ng 20 taong gulang, sakaling hindi sila nakakuha ng rekomendadong bakuna sa NIP noong pagkabata.

Makakaasa kayo na ihahatid ng SBS sa multikultural na komunidad ang lahat ng napapanahong update at balita kaugnay sa COVID-19. Maging maalam at maingat, bisitahin ang 

Share
Published 28 December 2022 1:19pm
Updated 28 December 2022 1:51pm
By Sahil Makkar
Presented by Roda Masinag
Source: SBS


Share this with family and friends