Maaari bang uminom ng gamot kontra COVID ang mga buntis at inang nagpapasuso?

Ang Paxlovid ay isang antiviral pill o gamot na itinuturing na isang game changer sa paglaban sa COVID-19. Batay sa ulat, binabawasan nito ang pagka-ospital ng mga tinamaan ng virus at pagkamatay sa mga hindi malubhang kaso ng COVID-19.

Mother with protective mask breastfeeding her baby son at home

Inirerekomenda ng WHO ang Paxlovid sa mga buntis at inang nagpapasuso, pero ang mga Australians ay inabisuhang kailangan munang maghintay. (Representative image.) Credit: South_agency/Getty Images

Key Points
  • Mga buntis at mga inang nagpapasuso pinayuhan ng WHO na komunsulta muna sa doktor para mas nakakabuti sa kanilang kondisyon.
  • Hindi inirerekomenda ng Australia ang Paxlovid sa mga buntis, nagpapasuso at mga babaeng gustong magkaanak.
  • Sa ginawang pananaliksik ng Johns Hopkins Medicine lumabas na ligtas gamitin ng mga buntis ang gamot na Paxlovid.
Nitong ika-13 ng Enero inirerekomenda ng World Health Organisation ang gamot na Paxlovid sa mga buntis at inang nagpapasuso na hindi malubha ang kalagayan matapos tamaan ng COVID.

Iminungkahi pa nito na dapat silang magpakonsulta sa doktor para malaman kung maaari silang uminom ng naturang gamot dahil sa "mas nakakabuting dulot nito at may kakulangan sa naiulat na masamang epekto nito sa kanilang katawan."

Subalit pinayuhan ang mga kababaihan sa bansa na maghintay muna, habang hindi pa aprubado ng Therapeutic Goods Adminstration ang paggamit ng Paxlovid para sa mga buntis, mga nagpapasuso at mga babaeng gustong magka-anak.


Sa ngayon ang inaprubahan lang ng TGA ang paggamit ng gamot sa mga piling pasyente na may medikal na kondisyon.

Sa kabila ng rekomendasyon ng WHO na gamitin ang gamot, nanindigan ang bansang Australia na maghintay ito ng abiso mula sa TGA.

Lalo't sinabi ng Department of Health na hindi nagbigay ng datos ang Pfizer sa paggamit ng Paxlovid sa mga buntis nang aprubahan ng TGA ang paunang aplikasyon nito noong ika-18 Enero 2022.
Samakatuwid, hindi inirerekomenda ang paggamit sa mga buntis at nagpapasuso
Australian Department of Health

"Ito ay naaayon sa payo na ibinigay ng European Medicines Agency (EMA) at ng UK's Medicines and Healthcare products Regulatory Agency (MHRA)."

Ipinag-uutos naman mula sa kagawaran ng kalusugan ng pamahalaan ng Western Australia na huwag uminom ng Paxlovid ang mga buntis, at mga nagpaplano na mag-anak.

"Agad ipabigay-alam sa inyong GP o doktor kung nabuntis ka habang umiinom ng naturang gamot. Ang Paxlovid ay maaaring maka-apekto sa bisa ng pills o birth control, patches at sa tinatawag na vaginal rings," sabi nito.

"Gumamit ng alternatibong contraceptives tulad ng condom o karagdagang panangga habang umiinom ng Paxlovid. Kausapin ang inyong GP tungkol sa mas epektibong paraan ng birth control, dagdag pa nito.
Naniniwala naman kay Dr Nisha Khot, isang Melbourne-based specialist obstetrician, hindi magtatagal ay magbibgay ng abiso ang pamahalaan ng Australia tungkol sa bagong alituntunin na naaayon sa rekomendasyon ng WHO kasama na ang mga resulta ng bagong pag-aaral.

"Ang medical professionals sa Australia ay hindi basta-bastang ma-reseta ng Paxlovid o kahit ibang gamot ng walang pahintulot ng pederal na gobyerno, kwento ni Dr Knot.

Dagdag nito, marami sa mga buntis o inang nagpapasuso mula sa Victoria ang naiulat na tinamaan ng hindi malubhang impekson ng COVID.

"Ito ang resulta ng mataas na antas ng bakuna at booster shots laban sa COVID, kaya napakahalaga ang pagpapalaganap ng bakuna laban sa virus na ito," sabi ni Dr Khot.

Samantala sa pinakahuling pag-aaral na ginawa ng Johns Hopkins Medicine Research sa J lumabas na ang mga buntis na tinamaan SARS-CoV-2 ay ligtas na uminom ng Paxlovid para maiwasan na lumubha ang kanilang kondisyon.

"Humigit-kumulang kalahati ng mga ipinanganak pagkatapos gumamit ng gamot na nirmatrelvir at ritonavir (Paxlovid) ay lumabas sa pamamagitan ng cesarean delivery," ayon sa pag-aaral.

Ayon naman sa pederal na pamahalaan ng Australia, may alam ang TGA tungkol sa mga resulta ng pag-aaral sa paggamit ng Paxlovid ng mga buntis. At maaari itong isaalang-alang bilang bagong pag-aaral o update sa aplikasyon ng Pfizer.

Gayunpaman, hindi nito mapipilit ang Pfizer na ipadala ang aplikasyon.
Sa pahayag ng Pfizer sa SBS inamin nito na wala silang datos kung gaano kaligtas gamitin ang Paxlovid habang buntis at nagpapasuso ang mga ina.

"Ang mga kababaihan na maaari ng magka-anak dapat iwasan na mabuntis sa panahon ng panggagamot at hanggang pagkatapos ng pitong araw pagkatapos ihinto ang Paxlovid," sabi nito.

"Dapat ihinto ang pagpapasuso sa gumagamit ng Paxlovid at sa loob ng pitong araw pagkatapos ng huling dosis ng Paxlovid. Wala namang naitalang datos, na may epekto sa fertility ang Paxlovid."

Makakaasa kayo na ihahatid ng SBS sa multikultural na komunidad ang lahat ng napapanahong update at balita kaugnay sa COVID-19. Maging maalam at maingat, bisitahin ang

Share
Published 25 January 2023 10:19am
By Sahil Makkar
Presented by Shiela Joy Labrador-Cubero
Source: SBS


Share this with family and friends