Key Points
- Unang kaso ng hawaan ng monkeypox naitala nitong weekend
- Bilang ng nag-aapply ng divorce tumaas nitong may pandemya
- Impormasyon kaugnay sa legalidad ng mga sikretong appointment ni Scott Morrison, ibabahagi ni PM Albanese
Ngayong Lunes, umabot na sa 10 ang bilang ng namatay dahil sa COVID-19 sa Australia. Anim ang naitala sa Victoria at apat naman sa New South Wales.
Patuloy din ang pagbaba ng panibagong kaso at bilang ng naoospital at naaadmit sa ICU sa mga estado at teritoryo sa Australia. Ilan sa mga ito ay nagtala ng pinakamababang bilang ng nagkakasakit dahil sa COVID-19, simula pa noong Abril 4.
Sa ibang balita, nakatakda naman ilabas ni Punong Ministro Anthony Albanese ang impormasyon kaugnay sa legalidad ng lihim na pagtatalaga ni Scott Morrison sa kanyang sarili para pamunuan ang limang pwesto sa gobyerno nitong may pandemya.
Samantala, naitala naman sa NSW ang unang kaso ng hawaan ng monkeypox sa komunidad nitong nakaraang weekend. Sa ngayon, may 42 kaso ang naitala ng estado at karamihan sa mga ito ay mga byaherong galing sa ibang bansa.
Ayon sa datos ng Kagawaran ng Kalusugan, may 3,917 na kaso ng COVID-19ang naitala at umabot na sa 592 ang bilang ng aktibong outbreak sa mga residential care facilities noong Agosto 19.
Umakyat din sa 148 ang kabuuang bilang ng mga outbreak at umabot namaan sa 92 ang bilang ng namatay sa mga residente nito mula noong Agosto 12, 2022.
Ayon naman sa datos ng Federal Circuit at Family Court of Australia, tumaas ang bilang ng nag-aapply ng divorce sa unang dalawang taon nang magkaroon ng pandemya.
Umabot sa 49,625 ang bilang ng nagsumite ng aplikasyon noong 2020-21 - mas mataas kumpara sa 45,886 noong 2019-20 at 44,432 noong 2018-19.
Balita naman sa labas ng bansa, nagpositibo sa COVID-19 ang Punong Ministro ng Japan na si Fumio Kishida.
Alamin kung saan ang mga COVID-19 testing clinic sa inyong lugar
I-register ang resulta ng inyong RAT dito, sakaling kayo ay nag-positive